28 July 2011

Nang Hinalikan ng Araw ang Kalupaan

*Nakuha mula sa tala-sarili ni Julio Ramirez

Ako ay dumalo sa isang magarbong pagdiriwang sa bahay sa Calle Anloague. Napakalakas ng tawanan. Nakaririndi din ang mga pagmamayabang na paulit-ulit lang naman isinasambit. Ngiti nalang ang aking iginaganti upang maipakita ko namang marunong akong makisama.

“Mawalang galang lamang, ako’y mag-ayos lamang ng aking sarili,” aking sinabi sa grupong aking kinabilangan.

Nang ako’y nawala sa paningin ng lahat, bigla na lang nagpalakpakan ang mga tao. Marahil ay dumating na ang panauhing pandangal ng okasyon. Nang ako’y napatigil, napansin ko sa aking kaliwa ang isang malaking salamin. Hinarap ko ang aking sarili. Sinuri ko ang aking repleksyon. Ipinantay ko ang aking buhok. Inayos ko ang kwelyo ng aking kasuotan. Pinunasan ko ang aking kanang sapatos gamit ang aking panyo upang mawala ang alikabok.

“Ha! Baka mas magandang lalaki pa ang aking itsura kesa sa mestizo na iyon,” sabay lipat ng aking bigat sa isang paa. Pwede na akong pumunta ng Espanya sa aking itsura!

Matapos noon ay nangahas akong magtungo sa kusina kung saan nanggagaling lahat ng aming pinagsasaluhan. May nakasalubong akong isang alipin na may dala ng cerveza. Ako’y kumuha ng isang baso. Napatingin ako sa kapansin-pansing gulo ng kanyang buhok. Inilapat ko ang aking kamay sa kanyang buhok at pinaalalahan syang, “Kailangan mong siguraduhin na ang iyong itsura ay nababagay sa isang pagdiriwang na kagaya nito.”

“Opo, ginoo. Ako’y pagpasensyahan ninyo,” nakayuko nyang tinugon at nagtungo sya sa ibang mga panauhin.

Nakita ako ni Kapitan Santiago de los Santos, ang may-ari ng bahay. “Hindi ka dapat magtungo sa kusina. Halika’t ipapakilala kita sa aking ibang mga bisita”. Ako’y ipinakilala sa lahat ng naroroon bilang isa sa mga illustradong may kakaibang pagmamahal sa buhay at sa mga detalye. Sa kabila ng mga palakpakan, nakita ko ang sandaling ngiwi ng isa sa mga kagalang-galang na prayle na naroon. Siguro ay mayroon syang hindi nagustuhan sa okasyong ito. Baka mas gusto pa nya na nasa piling sya ng Panginoon kaysa makasama nya kami dito.

Kami ay nagtungo sa hapag-kainan upang kumain. Ang Kapitan ay nasa kabisera, sa kanyang kanan ay ang panauhing pandangal at nasa kaliwa ang kanyang asawa. Nilapitan ako ng alipin na nakasalubong ko kaganina. Habang binibigyan nya ako ng tinola, aking napansin ang kanyang maayos na buhok at bagong hilamos na mukha. Nang sya’y natapos sa paglagay ng sabaw sa aking mangkok, nabaling ang aking tingin sa nahulog na papel sa aking paanan. Pinulot ko ang nakalamukos na papel ng dahan-dahan upang hindi malukot ang aking damit. Inilagay ko ito kaagad sa aking bulsa.

Matapos ang kainan, kami ay tumayo at pumunta sa may sala. Iniligpit ng mga alipin ang lamesa, ngunit may isa sa kanila na nakayuko at tila ba may hinahanap. May pinulot syang papel at itinago ito sa kanyang nakasaradong kamay. Siguro ay ganun nalang pahalagahan ng Kapitan ang kalinisan.

Matapos ang pagdiriwang, ako ay nagtungo na sa aking pansamantalang tirahan. Bago ako magpalit ng damit, akin munang binasa ang aking Libro de Medicina. Dalawang linggo magmula ngayon, ako’y lilipad muli papuntang Espanya upang tapusin ang aking pag-aaral. Matapos basahin ang ilang pahina, ako’y nagbihis. Nakapa ko sa aking pantalon ang pinulot ko sa may lapag sa bahay ni Kapitan. Akin itong ibinulatlat at isang mukha ang tumambad sa akin. Isang dalaga na may malaking mata at magandang ngiti. Kung makakakita lamang ako ng babaeng katulad ng litratong ito, siguradong mayroon na akong ipapakilala sa aking mga magulang sa probinsya. Sa likod ng litrato ay mayroong nakasulat, “Sa makalawa, kapag hinalikan ng araw ang ating kalupaan, isa sa mga kagalang-galang nilang simbolo ay magiging isa na lamang alaala.” Sandali akong napatingin sa salamin. Nagpatuloy ako sa pagbibihis. Aking itinago sa gitna ng mga pahina ng aking libro ang litrato at ako’y natulog.


Nagtungo muli ako sa bahay ni Kapitan. Gusto daw kasi akong makausap ni Ibarra. Si Ibarra nga pala ang dahilan kung bakit may pagdiriwang kahapon. Sya din ay nag-aral sa Europa. Marahil ay gusto nya akong tanungin patungkol sa aking mga sariling karanasan sa Espanya. O di kaya’y gusto nya akong tanungin tungkol sa aking mga napag-aralan.

Nag-usap kami sa sala kasama si Kapitan, nang bumaba sa hagdan ang isang napakagandang dalaga. Nilapitan ni Ibarra ang dalaga at hinalikan ang kamay nito. Naalala ko ang litratong aking nakita kagabi. Dali-dali kong binuklat ng bahagya ang libro upang hanapin ang litrato. Hindi ko ito makita. Nagpaalam muna ako sandali upang pumunta sa palikuran.

Pagdating sa palikuran, inisa-isa ko ang mga pahina ng aking libro. Wala ang litrato. Tinignan ko ang lahat ng bulsa ng aking damit. Wala rin doon. Marahil ay nahulog ito sa daan dahil alam kong nakaipit iyon sa libro bago ako lumabas sa aking tirahan.

Lumabas ako ng palikuran at muling tumingin sa salamin. “Mukha naman akong kalmado, hindi ba?”, sabay tawa ng mahina.

Paglingon ko, nandun ang litrato ngunit isa na itong tao. Hindi ko akalain na ang alipin palang kahapo’y mukhang hindi kaaya-aya ay ganoon pala kaganda.

“Ano ang sinabi ko sa iyo tungkol sa iyong buhok?”, pabiro kong tinanong.

“Paumanhin Ginoo, ngunit hindi nyo po ba ako naaalala?”, mahina nyang sinabi, para bang may tinataguan.

“Ikaw ang isa sa mga alipin ni Kapitan, hindi ba?”

“Ako si Corazon. Tayo po ay magkababata sa ating probinsya.”

Kaya pala tila hindi ko matanggap na nawala sa akin ang litratong iyon. Isa pala syang pamilyar na mukha. Isa sa mga iniwan kong alaala sa probinsya nang ako’y nagtungo sa Europa.

“Bakit hindi mo binanggit kagabi? Corazon, ang laki ng pinagbago mo!”

“Alam nyo naman po na hindi pwedeng magsalita ang alipin sa mga kagaya ninyo, Ginoo.”

“Nakita ko ang litrato mo na nahulog sa aking paanan kagabi.”

Sa pagbanggit ko nito ay biglang nanlaki ang kanyang mga mata.

“Nasaan na ito Ginoo?”

“Iyon nga ang kanina ko pa hinahanap, ngunit hindi ko na ito makita.”

“Kailangan ko na po umalis.”

Kung gaano sya kabilis dumating, ganoon din sya kabilis umalis. Kailangan ko na ding bumalik kina Kapitan, bako nahuhuli na ako sa kwentuhan.


Siya nga iyon. Siya ang babaeng pinangakuan ko ng aking pagmamahal. Ngunit huli na ang lahat.

Hindi na ako nakabisita kina Ibarra ngayon dahil inanyayahan ako ng isa sa mga prayle sa simbahan upang mag-usap. Akin pa naming balak na kausapin muli si Corazon. Gusto kong ipaalam sa kanya na hindi ko nalimutan ang aking pangako. Marahil kinabukasan ko nalang ito gagawin.

Kinausap ako ni Padre Damaso. Nakakatuwang isipin na ang isang katulad nya ay kakausapin ang isang katulad kong madalang lamang pumasok ng simbahan.

“Hindi ba’t galing ka sa probinsya ng Tayabas?,” bigla nyang itinanong.

“Aba’y opo. Doon nga po ako nanggaling.”

“Siguro naman ay kilala mo itong babaeng ito,” at inilabas nya ang litrato ni Corazon. Kasabay nito ay may biglang sumigaw sa labas, “Tulungan ninyo ako! Papatayin nila ako. Papatayin nila ako!”

Napatakbo ako sa labas upang tignan ang nangyayari. Sa harap ng apat na gwardya sibil ay si Corazon. Duguan ang kanyang mukha. Gula-gulanit ang kanyang simpleng damit. Nakaluhod sya sa alikabok, at natatakpan sya ng anino ng malaking simbahan.

“Sa makalawa, kapag hinalikan ng araw ang ating kalupaan, isa sa mga kagalang-galang nilang simbolo ay magiging isa na lamang alaala. Ha! Ano kaya ang ibig sabihin nito? Corazon?” mapangutyang sambit ni Padre Damaso.

Tinitigan ako ni Corazon, nagmamakaawa ang kanyang mga mata. “Julio, iligtas mo ako,” mahina nyang sinabi.

“Kilala mo ba sya Julio?”, tinignan ako ng prayle. Sigurado akong sya'y nagdududa na sa akin.

Ipinantay ko ang aking buhok. Inayos ko ang kwelyo ng aking kasuotan. Pinunasan ko ang aking kanang sapatos gamit ang aking panyo upang mawala ang alikabok.

Tinitigan ko ang prayle, “Hindi ko sya kilala. Isa lamang syang alipin sa bahay ni Kapitan Tiago. Malamang ay narinig nya lamang ang aking pangalan nang ako’y ipinakilala doon.”

“Sige, dalhin na yang babaeng traydor sa plaza at sya’y bitayin. Mayroon na itong basbas ng Gobernadorcillo. Siguraduhin nyong bibitayin nyo sya kapag hinalikan na ng lupa ang araw,” sinabi ni Padre Damaso. Hinila ng mga gwardya sibil si Corazon patungo sa plaza. Tumalikod si Padre Damaso upang magmuling pumasok sa simbahan. Sigurado ay magdadasal sya sa Panginoon upang patawarin sila sa kanilang mga kasalanan.

Sa pagkakataong sinabi ko na hindi ko sya kilala, alam kong tinalikuran ko na ang aking nakaraan. Naawa din ako kay Corazon. Hindi ko sya pwedeng mahalin. Hindi kami itinadhana. Hindi ko akalaing magiging isa syang alipin, isang hudyat na hindi na maaring magpatuloy ang aming pagmamahalan.

Dahan-dahan akong umuwi sa aking tinitirahan. Hinalughog ko ang buong bahay, nagbabaka-sakaling makikita ko ang litrato ni Corazon. Hindi ko na ito nakita.

Ako din ay nagtungo ng Espanya makalipas ang dalawang linggo. Pinagpatuloy ko ang aking pag-aaral. Isang buwan na lamang ay matatapos na ako at magiging isa na akong ganap na doktor. Ito ang ginusto ko, dahil isa akong mestizo.

____________________

29jul2010

~i wrote this fictional story for my FLCD assignment, and I'm kinda happy about the outcome :)

-ara.janelle

22 July 2011

Paghihikahos

Iwaglit ang bawat pagdaluhong
Hanapin ang mga kahulugan
Sa mga bituing nananahimik
Sa kanilang kinalalagyan
Kung maaari lang turuan
Ang salamin na magsinungaling
Upang ang buwan ay gawing
Kasing-laki ng mga patak ng ulan
Inaasam na pagkasyahin
Mga awiting naisasambit
Sa isang inaalikabok na parisukat
At sa kabila ng planadong
Kaguluhan
Nais nalang manatiling
Alaala ang mga katanungang
Inaalala
Upang mayroon pang alalahanin
Ang naghihikahos kong katauhan

____________________
22july2011
~kailangan mo ng alaala
upang masabi mong, "Oo nga, tao nga ako".
~ito ay para sa mga taong nagtiwala sa aking mga kakayahan
magsulat, maging isang taga-sunod, tumugtog, kumanta, atbp.
~Ate Feliz, Ate Mayie, Reis, AJ, Ate Pat, Kuya Bogs, Gab, Nikka, Sara, Sir Baes
hanapin nyo ang inyong katauhan sa aking maikling akda. :)
-ara.janelle

Hunyango

Sa kasukdulan na pananaimtim
Kinumpol na mga letra
Itinago sa loob ng mga palad

Inilapat sa mga matang
Pinamumugaran ng kabalintunaan

Pinapalabas na kasawian
Kapus-kapalaran
Ang mga duming nakasiksik
Sa mga kuko
Ng pusang iyong inihahalintulad
Sa isang mapangutyang
Ganid sa isda

Isinaboy sa nanunuyong labi
Ang mga letrang pinakatatago

Biglang bumuhos ang
Halakhak
Dahil sa rehas
Na pumapagitna
Sa inyong dalawa
Mga kinikimkim na pag-akala
Para sa mga kaluluwang
Walang ginawa
Kundi maging tao

Iniukit ang palad
Nilukot ang bawat linya
Sa mga kinamumuhiang
Hindi naman tinataglay

Sa kasukdulan mo nakita
Ang kaguluhan at
Paninimdim
Isa ka lamang sa marami
Na nagkukunwaring
Kaluluwa

____________________
22july2011
~isa ka lang pala sa mga mapagkunwari
-ara.janelle

Paglimot ng Alaala

Alaala
Alaalang inaalala
Inaalalang alaala

Bakit inaalala ang mga mangyayari palang?
Hindi ba't ang pagaalala ay para lamang sa mga alaala?

Pinagtatakpan ang mga kadungisan
Ng alikabok na nakakapuwing
Di maglalaon, pinangliligo na
Ang dungis ng ibang tao
Isa ka nang higanteng kahihiyang
Naglalakad sa gitna ng daan
Tila kapita-pitagan ang sangsang
Na ikaw lang ang hindi nakakapuna

Nagpapasalamat ang mga kinuhanan
Ng pagkukunwaring kahihiyan

Kakayahan!

Nagbubunyi ang sinamsam
Tila nabuhusan ng tubig na maligamgam
Mga alaalang dapat sinusunog sa mga pahina
Ay nakakarating pa sa tainga ng iba
Mga dayaming inakalang may silbi
Itinanim sa harapan ng iyong hardin
Sa pagmamasid
Pumapalakpak ang tainga sa kumpas
Ng pulso ng karangyaan

Nagpupuri sa mga bagay na ikinakahiya
Ipinagbubunyi ang mga itinatatwa

Dahil, ano ba talaga ang madaling paniwalaan
Ang di gumagalaw o ang di nakikita?

Mas maigi nang pagbuntungan
Ng angas
Ng galit
Ng pag-yurak
Ang mga bagay na sumisimbolo
Sa mga hindi natatanaw

Nais ko lamang ipaalala
Na isa na lamang alaala
Ang nakalipas na segundo
Ng iyong pilit na pag-alala

Isa na lamang alaala
Ang kaganina'y inaalala
_____________________
22july2011
~bakit mo ba inaalala ang lahat ng iyong maalala?
bakit pa inaalala ang mga bagay na mangyayari pa lamang?
BAKIT?!
-ara.janelle